MANILA, Philippines - Pagsasabayin ni Gilas Pilipinas II head coach Chot Reyes ang kanyang mga PBA players at cadet cagers sa pagharap sa bisitang Shanghai Sharks sa kanilang exhibition game sa Mayo 6 sa SM MOA Arena sa Pasay City.
Ang mga gagamiting PBA players ni Reyes kontra sa Sharks ni team owner Yao Ming ay sina Gabe Norwood at Jeff Chan ng Rain or Shine, Gary David at Japeth Aguilar ng Globalport at June Mar Fajardo ng Petron kasama si naturalized cager Marcus Douthit.
Sina Garvo Lanete, RR Garcia, Kevin Alas, Greg Slaugher at Ronald Pascual ang ilan naman sa mga cadet cagers na ipapasok ni ReÂyes.
“Line-up vs Sharks: Norwood, Chan, David, Aguilar, Fajardo, Douthit, Slaughter, Alas, Garcia, Lanete, Ganuelas, Jake & Ronald Pascual,†sabi ni Reyes kahapon sa kanyang Twitter account.
Makakasabayan ng Gilas Pilipinas II sina Liu Wei at Zhang Zhaoxu, mga miyembro ng Chinese national basketball team, at ang Taiwanese superstar na si Tseng Wen-ting.
“Gotta be ready for natl team vets 6’3 PG Liu Wei & 7’3 C Zhang & US D-I grad (Hawaii) 6’10 F Ji Xiang of the Shanghai Sharks vs Gilas-Cadets,†wika ni Reyes sa kanyang Twitter.
Samantala, ibinaba na ng Smart Araneta Coliseum at ng SM MOA Arena ang presyo ng mga tiket para sa two-game goodwill series ng Sharks laban sa Gilas Pilipinas at sa PBA selection.
Ang mga VIP tickets ay ibinaba sa P1,325 mula sa orihinal na presyong P2,640, samantalang ang mga patron seats ay P663 buhat sa dating P1,320.
Ang mga lower box tickets ay nagkakahalaga ngaÂyon ng P530 mula sa P1,060, habang ang upper box seats ay P398 buhat sa dating P800.