MANILA, Philippines - Isang malaking karera lamang ang matutunghayan sa buwan ng Mayo pero tiyak na tututukan ito ng mga karerista.
Ang unang leg ng 2013 Philracom Triple Crown Stakes series ay hahataw na at siyang magbibigay sa mananalong kabayo ng pagkakataon para walisin ang tatlong yugtong karera.
Sa Mayo 18 gagawin ang labanan sa pinakabagong race track na Metro Turf Club Inc. at gagawin ito sa 1,600-m distansya.
Ang nomination ay itinakda sa Mayo 7 habang ang final declaration ay sa Mayo 14.
Wala mang opisyal pang ninonombrahan para sa mga kalahok, inaasahang papasok ang mga kabayong nagpasiklab na sa mga pinaglabanang stakes races para sa mga edad tatlong taon gulang na mga kabayo.
Kasama na rito ay ang Be Humble, El Libertador at Cat’s Silver.
Kampeon ang Be Humble sa Philracom Chairman’s Cup para kunin ang pinakamalaking premyong pinag-labanan sa mga 3-year old horses na P1.2 milyon.
Hindi naman nagpapahuli ang mga di napansin sa mga naunang buwan na Mrs. Teapot, Alta’s Finest, Balbonic at Hot And Spicy.
Ang Alta’s Finest at Balbonic ay nagpasikat nang kunin ang dalawang A.P. Reyes Stakes races.
Isa sa maaaring maging palaban kung isasama sa talaan ay ang Alta’s Finest dahil tinalo nito ang Be Humble sa huling karera na inilagay sa isang milya na siyang distansya ng 1st leg ng Triple Crown.
Ang Balbonic naman ay nangibabaw sa Cat’s Silver bukod pa sa Mrs. Teapot na pumangatlo sa datingan.
Magpapaigting sa pagnanasa ng mga kalahok na maipanalo ang nilahukang karera ay ang isinahog na P1.8 milyong unang gantimpala.
May kabuuang P3 milyon ang papremyo bawat leg at ang connection ng kabayo na hihirangin bilang Triple Crown champion ay magkakaroon ng dagdag premyo na P500,000.00.
Noong nakaraang taon ay winalis ng mahusay na Hagdang Bato ang Triple Crown para maging ika-siyam na kabayo na nakagawa nito.
Ang mga hindi pa hinog para sa Triple Crown ay maaari namang sumali sa Hopeful Stakes race na sinahugan ng P1 milyong premyo.
Sa Santa Ana Park, Naic, Cavite gagawin ang se-cond leg na paglalabanan sa 1,800-m distansya sa Hunyo 15 habang ang huling leg ay sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite na paglalabanan sa Hulyo 21 sa 2,000-m.