Wushu Federation nais mag-host ng 2015 World Championships

MANILA, Philippines - Balak ng Wushu Fe-deration of the Philippines (WFP) na kunin ang hosting ng prestihiyosong World Wushu Championships sa 2015.

Ibinulalas ni WFP secretary-general Julian Camacho ang planong ito sa pagbisita sa PSA Forum sa Shakey’s Malate at kumbinsido ang da-ting pangulo ng National Sports Association (NSA) na mangyayari ito.

Sa Kuala Lumpur, Malaysia gagawin ang 2013 World Championships at kasabay sa aksyon ay ang World Congress na kung saan papangalanan ang tatayong host sa 2015.

“Wala namang bidding iyan at ipinapaalam lang ng isang bansa na nais nilang i-host ang isang tournament. Naniniwala akong kaya na-ting makuha ang World Championships dahil maganda ang record natin kung hosting ang pag-uusapan,” wika ni Camacho na sinamahan sa pagpupulong ni Red Dumuk.

Taong 1996 unang naging host ang Pilipinas sa Asian Wushu Cham-pionships at kinilala ito noon bilang pinakamaganda at maayos na Continental championships.

Sa Agosto 8 hanggang 12 ay magiging sentro uli ang Pilipinas ng wushu dahil sa pagdaraos ng 7th Asian Junior Wushu Championships sa Makati Coliseum.

Tinatayang nasa 30 bansa ang sasali para makabuo ng halos 600 atleta at opisyales na magtatagisan sa kompetisyong bukas sa mga manlala-rong edad 16-18 sa sanda (sparring) at 18-below sa taolo (form).

Ipinagmalaki ni Camacho na ayos na ang plano sa hosting at ang hinahanapan ngayon ay ang pondo na nasa P15 hanggang P20 milyon.

“We will make sure that the visitors will have a grand time,” may kumpiyansang pahayag ni Camacho.

Noong 2011 huling nagkaroon ng Asian Junior Championships sa Shanghai, China at ang bansa ay nakakopo ng isang ginto at isang pilak sa spear play at sword play na ibinigay ni John Keithley Chan.

Sasandalan ang suporta ng mga manonood at ang masinsinang pagsasanay, sinisipat ni Camacho ang lima hanggang anim na ginto ang makakamit ng panlaban  ng WFP.

Show comments