Ginebra nakauna sa Talk ‘N Text; Alaska, San Mig magkikita ngayon

MANILA, Philippines - Matapos ang 0-2 agwat, isang 10-0 atake ang ginawa ng Barangay Ginebra patungo sa ka­nilang 104-81 paggupo sa Talk ‘N Text sa Game One ng kanilang semifinals series para sa 2013 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Tumipa si import Ver­non Macklin ng 25 points, habang may 15 si Ker­by Raymundo, 13 si rookie Chris Ellis at tig-12 sina Josh Urbiztondo at Mac Baracael para sa 1-0 bentahe ng Gin Kings kontra sa Tropang Texters sa kanilang best-of-five se­mis wars.

Mula sa 27-10 kala­mangan ay pinalaki ng Ginebra ang kanilang abante sa 56-31 laban sa Talk ‘N Text sa dulo ng se­cond quarter.

Tuluyan nang sinel­yuhan ng Gin Kings ang ka­nilang panalo kontra sa Tropang Texters sa pagtatala ng 86-59 paglayo sa 10:24 ng final canto.

Samantala, sisimulan ang Game 1 ng semis show­down ng elimination round topnotcher Alaska at defending champion San Mig Coffee ngayong gabi sa Big Dome.

Maghaharap ang Aces at ang Mixers sa ganap na alas-6:15 ng gabi kung saan hangad ng Alaska ang hindi lamang ang makauna sa ser­ye kundi ang kanilang kauna-unahang panalo sa limang conferences laban sa kanilang dating head coach na si Tim Cone.

May 8-0 na head-to-head na bentahe si Cone sa kanyang dating koponang Alaska mula nang lumipat sa kampo ng San Mig Coffee (dating B-Meg) bago ang simula ng nakaraang season.

Pero wala itong halaga, ayon kay Cone.

“Many are going to make a big deal about our record with Alaska over the last few conferences, but you can really throw that out the window,” pahayag ni Cone. “Right now we’re just trying to get a win so we can take a 1-0 series.”

Tinalo ng Alaska ang Air21, samantalang bi­nigo ng San Mig Coffee ang Meralco sa quarterfinal round.

Ginebra 104 - Macklin 25, Raymundo 14, Ellis 13, Baracael 12, Urbiztondo 12, Tenorio 8, Helterbrand 8, Maierhofer 5, Labagala 2, Wilson 2, Hatfield 2, Taha 1, Espiritu 0.

Talk ‘N Text 81 - Jordan 21, Castro 18, De Ocampo 12, Al-Hussaini 6, Reyes 6, Ferriols 5, Fonacier 4, Alapag 3, Raymundo 2, Aban 2, Carey 2, Dillinger 0.

Quarterscores: 33-15; 59-36; 81-56; 104-81.

 

Show comments