Jumbo Plastic may habol pa

MANILA, Philippines - Naipasok  ni Elliot Tan ang mahirap na jumper upang manatiling buhay ang paghahabol ng baguhang Jumbo Plastic sa puwesto sa quarterfinals sa pamamagitan ng 70-69 panalo sa mas beteranong Big Chill sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Tumapos si Tan bitbit ang walong puntos at ang pinakamalaking buslo ay nangyari sa huling 2.1 segundo para saluhan ang Superchargers sa 4-5 baraha.

Inilampaso naman ng Fruitas ang Informatics,106-75, habang naungusan ng Cebuana Lhuillier ang Café France, 81-78, sa ibang mga laro.

Anim na manlalaro ng Shakers ang tumapos taglay ang hindi bababa sa 10 puntos para wakasan ng koponan ang dalawang dikit na kabiguan.

May  5-3 karta ngayon ang Shakers para makasalo sa ikatlong puwesto ang pahingang Boracay Rum at sila ay kapos lang ng kalahating laro para pantayan ang NLEX sa ikalawang puwesto.

“Mahalaga itong panalo dahil naghahabol kami sa top two spots. Mahirap pero gagawin namin ang lahat para maabot ang a-ming goal,” wika ni assistant coach Eric Gonzales na siyang humalili sa puwesto ni coach Nash Racela.

Bumangon naman ang Gems mula sa 13 puntos pagkakalubog at nanalo dahil sa krusyal na buslo ni John Lopez.

May 5-4 baraha ang Gems katulad ng Bakers para lumakas pa ang ha-ngaring makausad sa quarterfinals matapos angkinin ang ikalima at anim na puwesto.

 

 

Show comments