San Mig pinayukod ang Meralco patungo sa semis

LARO BUKAS

(Smart Araneta

Coliseum)

6:45 p.m. Talk ‘N Text vs Ginebra

(Game 1 ng best-of-5 semis series)

Blinangka ng defen­ding champion San Mig Coffee ang Meralco sa hu­ling walong minuto ng laro kagabi tungo sa isang 90-82 panalo para ma­sungkit ang huling lugar sa Final 4 ng PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Nagwagi ang Mi­xers sa kanilang best-of-three quarterfinals series sa 2-1 at inulit ang kanilang pag­balik mula sa isang 0-1 pagkakaiwan sa Bolts sa 2012 Commissioner’s Cup patungo sa pagpana­lo ng kampeonato.

Dahil sa panalo’y aabante ang San Mig Coffee sa isang best-of-five se­mifinals series laban sa elimination round topnotcher at playoffs No. 1 seed Alaska na magsisimula sa Sabado.

Pumasok sa pang-apat na semis stint ang Mi­xers na pinagbidahan ni Denzel Bowles na nagtapos na may 23 puntos at 11 rebounds, habang may 20 marka si  James Yap bagama’t may back injury at tumipa si Marc Pingris ng 14 puntos, walo sa hu­ling yugto.

Pormal na nagtapos sa pang-pitong puwesto ang Meralco na pinanguna­han ng 24 at 19 puntos nina Eric Dawson at Mark Cardona, ayon sa pag­kakasunod.

Lumamang ang Bolts sa 82-79 matapos ang three-pointer ni Chris Ross sa 8:02 ang natitira sa laro pero hindi na sila nakaiskor matapos noon.

May 0-of-11 mula sa field at may anim na turnovers ang Meralco sa huling 8:02 na iyon kung saan tinapos naman ng San Mig Coffee sa tono ng isang 11-0.

San Mig Coffee 90 - Bowles 23, Yap 20, Pingris 14, Simon 11, Devance 9, Barroca 7, Mallari 6, Najorda 0, Reavis 0, De Ocampo 0.

Meralco 82 - Dawson 24, Cardona 19, Ross 13, Hugnatan 6, Salvacion 6, Hodge 5, Manuel 4, Vanlandingham 3, Reyes 2, Buenafe 0, Artadi 0.

Quarterscores: 28-27; 53-46; 75-75; 90-82.

Show comments