Fruitas, EA Regen magpapatibay ng estado

MANILA, Philippines - Magpapatatag sa kani-ka­nilang puwesto ang Frui­tas at EA Regen sa ma­gaganap na pagtutuos sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.
 

Ikalimang panalo sa anim na laro na magpapa­natili sa Shakers sa ikalawang puwesto ang nakataya sa koponan, habang ang Team Delta ay nagbabalak na lagukin ang ikatlong su­nod na panalo upang ma­kasalo ang pahingang NLEX sa 4-2 baraha.

Galing din sa panalo ang magkabilang koponan at ang tropa ni coach Nash Ra­cela ay nangibabaw sa Big Chill noong Abril 11, 83-75, habang tumaob sa bataan ni coach Allan Trinidad ang Cebuana Lhuilier, 73-69.

Aasa uli si Trinidad sa bangis ng puwersa sa ilalim na pinamumunuan nina 6-foot-6 Ian Sangalang at 6’7 Raymund Almazan.

Bukod ito sa husay sa pagbuslo nina Jimbo Aquino at Clark Bautista.

Sa kabilang banda, si Carlo Lastimosa ang mamumuno sa pag-atake ng Shakers para maipagpatuloy ang paghahabol sa awtomatikong puwesto sa semifinals na ibibigay sa mangungunang dalawang koponan.

Ikalimang panalo rin ang nais na hagipin ng Ce­bua­­na Lhuillier sa pagkikita nila ng baguhang Jumbo Plastic sa ikalawang laro sa alas-4 ng hapon.

Tiyak na nanggigigil ang Gems na talunin ang Giants matapos lumasap ng pagkatalo sa huling asigna­tura at nalagay sa ikalimang puwesto kasama ang pa­hi­ngang Boracay Rum sa 4-3 karta.

Papasok ang Giants mula sa 80-75 panalo na pu­mi­gil sa apat na dikit na pagkatalo tungo sa 2-5 baraha.

Kailangang magpapanalo ang Giants upang ma­kahabol sa anim na koponang aabante sa susunod na yugto ng kompetisyon.

Show comments