MANILA, Philippines - Pinatawan ng mga multa ang ilang hinete dahil sa magkakaibang kaso sa pangangarera.
Ang mga hineteng sina JT Zarate ay pinatawan ng halagang P2,000.00 multa sa dalawang magkahiwalay na kaso habang si CV Garganta ay napatawan din ng kaparusahan.
Tig-P1,000.00 ang multang siningil kay Zarate sa kabayong Hot And Spicy at Crucis. Gumamit si Zarate ng mga paraphernalia para makuha ang ipinataw na handicap weght sa pagdadala sa Hot And Spicy habang ang pagpapasikat matapos dominahin ng Crucis ang nilahukang karera noong Abril 7 ang ikalawang kasalanan ni Zarate.
Sina Dan Camañero at MS Lambojo ay napatawan din ng multa dahil sa pagiging overweight nang dinala ang mga kabayong Golden Rule at Royal Key noong Abril 14 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Pinatawan naman ng 24-racing days suspension sa Metro Turf Club si RN Llamoso matapos pagdudahan ang pagdadala sa kabayong Speedy Mckie.
Ang karera ay nangyari noong Abril 12 at napansin ng mga racing stewards na tila di naibigay ni Llamoso ang pinakamagandang diskarte sa dalang kabayo para masuspindi.
Sina RA Alicante at CM Pilapil ay pinatawan naman ng six at twelve days suspension, ayon sa pagkakasunod, dahil sa careless riding.
Pinagmumulta o agad na sinususpindi ng mga stewards ang mga nagkakamali para linisin ang horse racing na tiyak na ikatutuwa ng bayang karerista.