Cafe France wagi sa Hog’s Breath

MANILA, Philippines - Sinandalan ng Café France ang malakas na paglalaro sa second period tungo sa madaling 75-58 panalo sa Hog’s Breath sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Ang bagong hugot na si Moncrief Rogado ay mayroong 17 puntos habang sina Mike Silungan at Marion Magat ay nagdagdag ng 15 at 14 puntos para sa tropa ni coach Edgar Macaraya na umangat sa 5-2 karta.

Ginamit naman ng EA Regens ang angking height advantage para trangkuhan ang 73-69 panalo sa Cebuana Lhuillier habang tinapos ng Jumbo Plastic ang apat na sunod na pagkatalo sa 80-75 panalo sa Informatics Icons sa iba pang mga laro.

Ang follow-up ni Ian Sangalang sa mintis ni Raymund Almazan ang tuluyang nagbigay ng kalamangan sa Team Delta, 70-69, para kunin din ang ikatlong panalo matapos ang limang laro.

“Nag-relax ang mga players pero sa fourth period ay gumanda ang depensa namin kaya na-kabawi kami,” wika ni Allan Trinidad na pumalit sa nagbitiw na coach na si Vergel Meneses.

Show comments