MANILA, Philippines - Ikatlong sunod na panalo na magsisilbing tiket din sa quarterfinals sa Shakey’s V-League Season 10 First Conference ang nakataya sa Ateneo sa pagharap sa Letran sa The Arena sa San Juan City.
Galing sa mga kumbinsidong panalo laban sa malalakas na koponan na UST at San Sebastian, pinapaboran ang Lady Eagles na maipagpatuloy ang pagpapanalo sa pagharap sa Lady Knights na magsisimula sa ganap na ika-2 ng hapon.
Apat na koponan bawat grupo ang aabante sa quarterfinals at ang makukuhang pangatlong tagum-pay ng nagdedepensang Lady Eagles ay sapat na para mauna sila sa susunod na yugto ng ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Galing sa pagkatalo ang Lady Knights sa kamay ng La Salle-Dasmariñas at kailangan nilang magpa-katatag at sikaping pigilan ang mga kamador ng Ateneo na sina Alyssa Valdez, Fille Cainglet at Rachel Ann Daquis para hindi bumaba sa 0-2 baraha sa Group A.
Bubuksan naman ng NCAA champion Perpetual Help ang kampanya sa torneong may ayuda rin ng Accel at Mikasa sa pagbangga sa Arellano dakong alas-4:00.
Pumangalawa sa San Sebastian sa Open Confe-rence noong nakaraang taon, ipaparada ng Lady Altas ang mga hitters na sina Norie Diaz, April Sartin, Sandra delos Santos, Honey Tubino at guest player Joy Cases.
Tiyak na mapapalaban ang Lady Altas sa Lady Chiefs na nais na basagin ang 1-1 karta para tumibay ang paghahabol ng puwesto sa susunod na yugto sa Group B.
Ayon sa Sports Vision, ang laban ng Lady Eagles at Lady Knights ay isasaere bukas (Miyerkules).