MANILA, Philippines - Pormal na tinapos ng Barako Bull ang kampanya nito sa PBA Commissioner’s Cup sa pamamagitan ng 96-87 panalo kagabi kontra sa Globalport na tinapos ang torneo sa pamamagitan 11-sunod na talo.
Sa labanan ng dalawang koponang hindi aabante sa playoffs, nagtapos ang Energy Cola ng may 5-9 record, isang laro lamang ang layo sa huling quarterfinals berth samantalang 2-12 naman ang tinapos ng Batang Pier, angat ng isang panalo sa kanilang 1-13 record sa nakaraang Philippine Cup.
“It was not an important game for us but we were fighting to win this game because we wanted to finish the conference with a win and we did,†pahayag ni Barako Bull team consultant Rajko Toroman pagkatapos ng laro.
Isang 11-4 run sa huling 1:51 minuto ng laro na sinimulan ng limang puntos ni Josh Urbiztondo ang ginamit ng Barako Bull para kumawala sa Globalport na nakadikit sa 83-85 pagkatapos mabaon ng umabot sa 15 puntos sa kaagahan ng fourth quarter.
Samantala, inilunsad kahapon ng local organizing committee sa pamumuno ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, MVP Group of Companies, TV5 Sports at Solar Sports ang event logo ng 2013 FIBA Asia Men’s Basketball Championships na gaganapin sa bansa sa Agosto 1-11.
Pinamunuan nina SBP executive director Sonny Barrios, MVP Sports Foundation President Al Panlilio, SBP Vice Chairman Ricky Vargas, PBA Commissioner Chito Salud, Solar Sports President Wilson Tieng at Gilas Pilipinas head coach at TV5 Sports head Chot Reyes ang launching ng logo sa isang press conference na ginanap sa media room ng SM Mall of Asia Arena sa halftime ng first game ng Globalport at Barako Bull.