Suntukan na: Donaire-Rigondeaux, wala nang salitaan

MANILA, Philippines - Sasagupain ni WBO superbantamweight champion Nonito Donaire, Jr. ang kanyang WBA counterpart na si Guillermo ‘The Jackal’ Rigondeaux ng Cuba upang tapusin na ang kanilang satsatan sa unification 12-round bout sa Radio City Music Hall sa New York City ngayong umaga. (Manila time).

Alam na ng lahat na hindi magkasundo ang dalawa.

Ilang beses nang tinangkang asarin ng two-time Olympic gold me-dalist na si Rigondeaux si Donaire. Dalawang beses na  nag-gate crash si Rigondeaux sa party ni Donaire matapos nitong talunin sina Wilfredo Vazquez, Jr. at Jorge Arce noong nakaraang taon at dalawang beses din itong pinalabas ng security enforcers ni Donaire.

Lumala ang sitwasyon nang tawagan ni Donaire si Rigondeaux para sabihan na kastiguhin ang isa sa kanyang staff na nang-insulto sa kanyang Filipina fan.  Hindi sinagot ni Rigondeaux ang telepono at si conditioning coach DJ Montanocordoba ang napagsabihan ni Donaire.  Nadamay na rin sa away ang asawa ni Donaire na si Rachel.

Wala nang salitaang mangyayari sa paghaharap sa ring ng dalawa ngayon.

Sa  weigh-in nitong Biyernes, nagtitigan ang dalawa at tila napakurap si Rigondeaux. Pumasa ang dalawa sa  timbang kung saan si Donaire ay may bigat na 121.6 pounds at si Rigondeaux ay 121.5.  Ang superbantamweight limit ay 122.

Kung titinggnan tila mas malaki lang ng kaunti si Donaire kay Rigondeaux na may one-inch advantage sa height at 2-inches sa reach.  Lamang si Donaire sa pro experience matapos mag-debut sa fight-for-pay ranks noong 2001 o walong taon bago maging pro si Rigondeaux.  Ang Filipino Flash ay may 31-1 record kasama ang 20 KOs, at hindi pa natatalo sa kanyang huling 30 laban.  Ang 32-gulang na Cuban defector na si Rigondeaux ay may 11-0 mark kasama 8 KOs. 

Ngunit hindi na masasabing baguhan si Rigondeaux dahil malawak ang  amateur background nito dahil nagsimula ito sa boksing sa edad 13.

 

Show comments