Fruitas kapit pa rin sa ika-2 puwesto

MANILA, Philippines - Napanatili ng Fruitas ang pagkakakapit sa ikalawang puwesto nang talunin ang Big Chill, 83-75, habang tinapos ng EA Regen Med ang dalawang dikit na pagkatalo sa bisa ng 103-92 panalo sa Cagayan Valley sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Hindi nagpaawat sa pagkakataong ito si Carlo Lastimosa na nagbuhos ng 24 puntos habang sina Bryan Cruz at  Gryan Mendoza ay naghati sa 22 puntos para sa Shakers na iniangat ang baraha sa 4-1 karta.

“Ang mahalaga sa amin ay maipanalo ang mga laro. Crucial game ito para sa amin dahil galing kami sa talo at ang panalo ay nagpakita na kaya nilang bumangon,” wika ni Shakers coach Nash Racela.

Hindi sumablay sa tatlong buslo si Lastimosa sa ikatlong yugto para makaahon ang Shakers mula sa limang puntos na pagkakalubog tungo sa 55-53 bentahe patungo sa final quarter.

May 25 puntos si Clark Bautista habang nagdomina sa ilalim ang mga higanteng sina Raymund Almazan at Ian Sangalang para maitabla ng Team Delta ang karta sa 2-2.

Ang dating pambatong sentro ng Rising Suns na si 6’7” Almazan ay tumapos bitbit ang 20 puntos at 19 rebounds habang 17 puntos at 11 boards ang naiambag ni Sangalang.

“Makikita mong pursigido silang manalo dahil ayaw nilang makalasap ng ikatlong sunod na talo. Kailangan namin ito para mapaganda ang puwesto sa paghahabol sa playoffs,” wika ni Allan Trinidad na siyang nag-coach sa Team Delta.

Dominado ng EA Regen ang laro at malaking tulong ang 55-49 bentahe sa rebounding.

 

 

Show comments