WTA sapul ng isang karerista
MANILA, Philippines - Tinamaan ng isang masuwerteng karerista ang pinakamalaking dibidendo na pinaglabanan sa taon na nangyari noong Huwebes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Solong nakuha ng tumaya ang kumbinasyong lumabas mula sa races 3 hanggang 7 para maiuwi ang tumataginting na P4,510,824.60 dibidendo mula sa kabuuang WTA sales na P5,815,637.00.
Ito ang ikatlong pagkakataon na may naging milyonaryo sa pamamagitan ng WTA sa karerahan na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. matapos ang apat na buwan sa taong 2013.
Noong Enero 12 ay nakapag-uwi ang isang mananaya ng P1,422,483.20 habang noon namang Enero 22 ay nakakubra ng P2,143,583.40 ang mapalad na mananaya na nahulaan ang pitong sunod na karera.
Laglag agad ang mga karerista sa race three nang makapanorpresa ang Tabako na hawak ni RO Baylon para bumagsak sa P735,068.00 ang live units.
Bumaba pa sa P29,848.00 ang live units matapos ang race four na dinomina ng Jacklyn’s Diamond na nalagay sa ika-10 at dalawang pang-12 puwestong pagtatapos sa tatlong takbo sa buwan ng Marso.
Ngunit kondisyon ang kabayong sakay ni Mark Alvarez at hiniya ang Amsterdam na napaboran matapos ang dalawang panalo sa huling tatlong takbo.
Isang Handicap race ang karera na inilagay sa 1,300-metro, ang Jacklyn’s Diamond ang lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanalo sa gabi matapos magpamahagi ng P114.00 sa win at ang forecast na 3-5 ay nasa P166.00 dibidendo.
Ang Kate Ganda ang nanalo sa race five na isa ring dehado bago nasundan pa ng pangalawang longshot na nanalo na Headline Chaser.
Nasa P200 o 100 tao na lamang ang live tickets sa WTA ang natitira, natapos ang karera nang manalo ang Lakewood na dala ni JA Guce at ito ang nagbigay ng milyong piso sa masuwerteng mananaya.
- Latest