Don Joaquin nakapaghabol pa ng panalo sa buwan ng Marso nang manaig sa 3YO Handicap Race

MANILA, Philippines - Nakahabol pa ng panalo sa buwan ng Marso ang Don Joaquin matapos masama sa mga nanalo noong Ling­go sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Si JPA Guce ang pinagdiskarte sa kabayong sina­sakyan ni GM Mejico at pinawi ng bagong hinete ang kabiguang inabot noong Marso 16 nang manalo sa 3YO Handicap Race (2) na ginawa sa 1,400-metrong dis­tansya.

Mahusay na inilabas ni Guce ang Don Joaquin papasok sa huling kurbada bago bumulusok pa sa pagtungtong ng rekta patungo sa dalawang dipang panalo sa napaboran ding Pasaporte ni MA Alvarez.

Ito ang ikatlong takbo ng kabayong may lahi na Quaker Ridge at Slatkis at nakabangon na ang Don Joa­quin mula sa di magandang pang-anim na puwes­tong pagtatapos sa unang salang noong Marso 7.

Nakatikim din ng panalo ang Patron nang domina­hin ang class division 9-10, habang ang Gold More ay nakapanilat sa race seven na isang 3YO Handicap Race (01).

Si Antonio Alcasid Jr. ang hinete ng Patron na bi­nigo ang unang takbo sa taon ng Pleasantly Perfect na hawak ni Dominador Borbe Jr.

Ang apat na taong kabayo na Patron na noong na­karaang taon ay binigyan ng magandang laban ang Tri­ple Crown champion na Hagdang Bato, ay tu­mu­gon ng mahusay sa diskarte ni Alcasid at ipinakitang handa itong makapagdomina sa mga malalaking ka­re­ra na maaari nitong salihan sa mga darating na bu­wan.

Ikatlong takbo rin ng Gold More ang sinalihang ka­rera at nakuha ni Pilapil ang mahalagang panalo na nagpasigla sa mga dehadista.

Nagpamahagi ang di inakalang kumbinasyon na 1-10 ng P2,593.00 dibidendo sa forecast.

 

Show comments