Viloria handa na laban kay Estrada

MANILA, Philippines - Bagama’t tatlong libra ang sobra para makuha ang weight limit na 112 pounds, hindi naman ito ikinababahala ni unified world flyweight champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria.

Sinabi ng 32-anyos na si Viloria na makakamit niya ang weight limit sa kanilang official weigh-in ni Mexican challenger Juan ‘El Gallo’ Estrada bago ang salpukan nila sa Abril 6 sa Venetian Ma­cao Resort Hotel sa China.

“Viloria hasn’t had to drain himself at all,” wika ni Gary Gittelsohn, ang ma­nager ni Viloria.

Nasa maigting na pagsasanay pa rin si Viloria sa ilalim ni Filipino trai­ner Marvin Somodio at Me­xican assistant trainer Ru­ben Gomez.

Nakatakdang itaya ni Viloria ang kanyang mga suot na World Bo­xing Organization at World Bo­­xing Association flyweight titles laban sa 22-anyos na si Estrada.

Tangan ni Viloria ang kanyang 32-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 19 KOs, habang hawak naman ni Estrada ang kanyang 22-2-0 (17 KOs) slate.

Sa kanyang pag-een­sa­yo sa Wild Card Bo­xing Club ni trainer Freddie Roach, nakasabayan ni­ya si  two-time Olympic Gold medalist Zou Shiming ng China.

Makikita para sa kan­yang pro debut ang 31-anyos na si Shiming, isang three-time gold medal win­ner ng World Amateur Boxing Championships.

Makakaharap ni Shi­ming si Mexican Eleazar Va­lenzuela (2-1-2, 1 KO) sa isang four-round, flyweight bout.

Naidepensa ni Viloria ang kanyang WBO belt laban kay Mexican Omar Niño Romero (31-5-2, 13 KOs) mula sa isang ninth-round TKO win noong Mayo 13, 2012.

Inagaw ni Viloria kay Mexican Hernan ‘Tyson’ Marquez (34-3-0, 25 KOs) ang hawak nitong WBA crown noong Nob­yembre 17, 2012 sa Los An­geles, USA.

 

Show comments