MANILA, Philippines - Nang matalo ang Barangay Ginebra sa Rain or Shine, 96-93 noong Mar. 3, lalong nabaon sa ilalim ng team standings ang Kings sa kanilang 1-5 na panalo-talo.
Makalipas lamang ang tatlong linggo, umakyat na ito sa pang-apat na puwesto matapos ang isang four-game winning streak.
Nakatabla sa katunayan ang Barangay Ginebra sa Air21, defending Commissioner’s Cup champion San Mig Coffee at Philippine Cup three-peat champion Talk ‘N Text na may mga pare-parehong 5-5 karta pero kung ia-apply ang PBA quotient system para i-rank silang apat, lalabas na pinakamataas ang Kings para maging No. 4 team.
Ito’y bagama’t nasa piling nila ang import na may pinakamasamang free throw sa buong conference at bagama’t hindi naglaro ang leading local at fourth overall scorer ng conference sa kanilang huling game.
Nag-a-average si Vernon Macklin ng 23.4 points kada-laro, third-best sa conference, bagama’t may 41% shooting lamang mula sa 15-foot line (34 of 83).
Mas mataas pa ang three-point shooting percentage ng No. 1 sa conference na si Sunday Salvacion sa kanyang 55.9% (19 of 34) – na madalas may dumedepensa – kaya sa ginagawang mag-isa ni Macklin sa free-throw line na kung saan wala siyang bantay.
Bagama’t ang sagwa ng kanyang free-throw shooting, may 5-2 record pa rin ang Ginebra sa piling ni Macklin mula nang pinalitan niya si Herbert Hill.
May averages din na 17.0 rebounds – third-best overall sa conference – at 1.3 blocks na 7th overall si Macklin.
Bale nasa No. 3 at No. 4 sa katunayan sa overall sa scoring sa conference ang 1-2 punch ng Kings na sina Macklin at Mark Caguioa, na nag-average ng 22.8 ppg bago nagka-MCL injury.
Pero ang magandang balita para sa fans ng Ginebra ay sa Apr. 3 pa ang susunod na laro ng Kings laban sa Air21 at makakapagpahinga pa ng husto si Caguioa at ang buong koponan.