Sweep tangkang PH Azkals: Sa pagharap sa Turkmenistan

MANILA, Philippines - Kumpletuhin ang dominasyon sa 2014 AFC Challenge Cup Group E Qualifiers ang nakatoka sa balikat ng Philippine Azkals sa pagharap sa ma-lakas na Turkmenistan ngayong gabi sa Rizal Memorial Football Stadium.

Inaasahang mainit ang suporta ng mga mahihilig sa football at sa Azkals sa larong itinakda sa ganap na ika-7:30 ng gabi para dagdagan ang kumpiyansa nila na manalo sa Turkmenistan at pagharian ang kompetisyon.

Magkasalo ang Pilipinas at Turkme-nistan sa itaas ng tatlong bansang torneo sa 2-0 karta pero ang Azkals ang may tangan ng unang puwesto dahil sa 11 goal difference laban sa 10 ng Turkmenistan.

Nakuha ito ng Azkals matapos ang 8-0 paglampaso sa Cambodia noong Linggo na tumabon sa naunang kahanga-hangang 7-0 panalo ng Turkmenistan sa kaparehong katunggali noong Biyernes.

Sapat na para sa Pilipinas at Turkmen ang maitabla ang laro para makausad sa Maldives dahil hindi na aabot ang India na naghahabol ng ikawalo at huling puwesto bitbit ang 2-1 karta kasama ang apat na goal difference.

Pero para kay Azkals coach Hans Michael Weiss, dapat nilang tapusin ang kampanya bitbit ang panalo upang maipaghiganti rin ang 1-2 kabiguan nang makalaban nila ang Turkmenistan noong 2012 Challenge Cup semifinals sa Nepal.

“We would go for the win. We are on the driver’s seat and we must go at all circumstances to go to Maldives,” wika ni Hans Michael Weiss sa mahalagang laban na ito.

Sina Phil Younghusband, Javier Patino at Stephan Schrock ang siyang ma-ngunguna sa pag-atake habang si Roland Muller ang mamumuno sa pagdepensa bilang goal keeper. Galing si Younghusband sa pagtala ng apat na goal, ikalawa sa kanyang makulay na football career, habang nagpakilala ang baguhang si Patiño sa ibinigay na dalawang goals.

Show comments