Makailang beses na ring tumalikod sa tradisyon ang Philippine Sportswriters Association (PSA) sa pagbibigay ng Athlete of the Year award kasama na ang kalilipas lamang na PSA Awards kung saan kasama ang Ateneo Blue Eagles at Manila Softball Team sa hinirang na Athletes of the Year.
Nauna rito ang paggawad ng parehong award sa Team Pilipinas na nag-overall champion sa SEA Games na ginanap sa ating bansa noong 2005.
Hindi siguro masamang suhestiyon na ituloy ng PSA ang novel way nito sa paggagawad ng parangal at hira-ngin bilang natatanging atleta si bar topnotcher Ignatius Michael Ingles sa susunod na PSA Awards. O maaring special honor o guest of honor/speaker. Malaking inspi-rasyon ang ibinigay niya sa mga atletang Pilipino.
Bibihira ang nagawa ni Ingles, Ateneo football player na nagawang pangunahan ang mga pumasa sa katatapos lamang na Bar exams.
Marami rin naman ang dating atleta na naging abogado. Kasama riyan sina Sen. Kiko Pangilinan (dating track at volleyball player ng La Salle at UP), Sen. Pia Cayetano (UP volleyball), Ogie Narvasa (Ateneo basketball) at Jun Celis (Crispa basketball).
Ngunit mas mabigat ang nagawa ni Ingles bilang numero uno sa Bar exams.
Bilang atleta, team captain siya ng Ateneo team na humugot ng three-peat championship sa UAAP football noong 2004-2006.
***
Sa aming sariling tahanan, meron rin special God’s graces kaming pinapasalamatan – ang pagtatapos ng aming panganay na si Francheska o Cheka sa kanyang civil engineering course sa UST at ang pagtatapos ng aming bunsong si Rizanelle sa high school sa Holy Infant Montessori Center.
Bago magkolehiyo, may panukala na baka mas magandang pahintuin muna sa pag-aaral ang aming si Cheka dahil dinapuan siya ng isang maselang karamdaman na kakailanganin ang mahabang pagpapatingin sa mga doctor.
Ngunit sa nakababagabag na pagkakataon na ito, tunay na naramdamam namin ang pagmamahal at pag-aalaga ng Diyos.
Dinala niya kami sa mga magagaling na doctor at ipi-nagkaloob sa amin ang lahat ng mga pangangailangan.
Muling nagtataglay ng magandang kalusugan ang aming si Cheka. At sa July 4, kasama siya sa magmamartsang 2013 UST engineering graduates.
Ibinabalik namin ang lahat ng papuri sa Kaitaasan.