MANILA, Philippines - Nabigo si Jurence Mendoza na pangatawanan ang pagiging ninth seed sa boys’ singles sa 24th Mitsubishi Lancer International Juniors Tennis Championships nang lasapin ang 6-4, 3-6, 2-6, pagyukod kay French qualifier Alexandre Muller kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Matapos dominahin ang first set ay naipanalo ng 16-anyos na semifinalist ng torneo noong nakaraang taon, ang unang dalawang laro sa second set para magdiwang ang mga manonood.
Pero sa di inaasahang pangyayari, bumagsak ang kanyang laro dala ng pulikat sa kaliwang binti, bagay na hindi naisaayos kahit minasahe ito sa third set upang mamaalam na sa kompetisyon.
“Naramdaman ko na lang na tumitigas ang hita ko. Pero dapat bigyan natin ng kredito ang nakalaban ko dahil mas fit siya sa akin. Para sa kanya ang larong ito,†wika ni Mendoza na ang laro ay inabot ng dalawang oras at 36 minuto.
Natapos na ang laban ng host country sa singles dahil natalo na rin si Alberto Lim habang si Maika Jae Tanpoco ay namaalam na rin sa girls’ singles.
Hindi nakuha ng 13-anyos na si Lim ang break sa tie breaks para lasapin ang 6-7 (5), 6-7 (3) kabiguan kay 14th seed Duck Hee Lee ng Korea habang si Tanpoco ay namaalam sa 3-6, 1-6 pagkatalo kay top seed Ipek Soyl ng Turkey.
Sa doubles na lamang umaasa ang mga entrada ng Pinas na pangungunahan ng tambalan nina Lim at Mendoza.