MANILA, Philippines - Bumalik ang outside shooting ng Rain or Shine kung kaya’t madali silang nakabawi sa tono ng 103-93 pananalasa sa Barako Bull kagabi sa PBA Commissioner’s Cup na dumako sa Cuneta Astrodome.
Nag-improve sa 6-3 karta ang Elasto Painters na galing sa dalawang sunod na talo kung saan nag-average lamang sila ng 77.5 puntos kontra sa Talk ‘N Text at Petron Blaze.
Pero sa pangunguna ng 27 puntos at 11 rebounds ni import Bruno Sundov na dinagdagan pa ng 20 off- the-bench ni Paul Lee ay pinarisan ng Rain or Shine ang kanilang pinakamataas na iskor sa isang laro sa conference na ito nang kanilang talunin ang Globalport, 103-95 noong March 8.
Natalo naman sa ikalimang sunod na pagkakataon ang Barako Bull at lalong bumaba sa team standings sa kanilang 3-6 record.
Sa pangunguna ng siyam na puntos ni JC Intal ay lumamang ng umabot sa 16-10 sa first quarter ang Barako Bull. Pero tinapos ng Rain or Shine ang unang yugto na iyon sa tono ng 9-2 run sa pagbibida ni Gabe Norwood para agawin ang kalamangan sa 19-18.
Sa second quarter ay nakisama na rin sa scoring si Jeff Chan at Paul Lee kung kaya’t lumamang ng 15 puntos ng dalawang beses ang Elasto Painters, 40-25 at 42-27.
Samantala, minultahan ni PBA Commissioner Chito Salud ang napalitan nang import ng Globalport na si Walter Sharpe ng P40,000 dahil sa hindi magandang inasal nito sanhi ng kanyang kalasingan.
Ito’y matapos lumabas sa social media ang isang litrato ni Sharpe na nakatulog sa isang bangketa sa harap ng mga bars sa Pasig area pagkatapos ng magdamag na inuman na balitang kasama ng ilan niyang teammates.
Bagamat na-desisyunan na ng Batang Pier na papalit na si Sylvester Morgan at pauuwiin na si Sharpe, kailangan pa ring bayaran ni Sharpe ang kanyang multa bago siya makakuha ng clearance mula sa PBA.
RAIN OR SHINE 103 - Sundov 27, Lee 20, Quiñahan 11, Chan 10, Norwood 8, Rodriguez 6, Tiu 5, Belga 5, Cruz 4, Ibañes 4, Matias 2, Tang 1, Arana 0.
Barako 93 - Brock 23, Seigle 20, Intal 17, Maliksi 12, Pennisi 10, Urbiztondo 3, Macapagal 3, Kramer 2, Allado 2, Villanueva 1, Anthony 0, Cruz 0.
Quarterscores: 19-18, 46-39, 70-66, 103-93.