MANILA, Philippines - Hindi rin makakarating si Nonito Donaire Jr. para tanggapin ang Elorde Memorial Belt na ibibigay sa kanya sa 13th Elorde Memorial Awards sa Sofitel Hotel sa Marso 25. Pero di tulad sa ‘deadma’ style ng ‘Filipino Flash’ sa PSA Annual Awards Night, nakipag-usap siya at ang kanyang asawang si Rachel kay Liza Elorde para ipaalam ang bagay na ito.
“Nakausap ko si Nonito at ang kanyang asawang si Rachel at sinabi nilang hindi siya makakarating. Ang gagawin niya ay magpapadala ng mensahe sa You Tube at ito ay ipapalabas kapag ibinigay na sa kanya ang award,†wika ni Elorde na nakasama ng kanyang asawang si Johnny, anak na si Juan Martin at dalawa pang boksingero na dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Taliwas ang aksyon na ito sa ginawa ni Donaire sa PSA na kung saan wala siyang abiso kung makakara-ting ba o hindi para kunin ng personal ang parangal. Hindi rin siya nagpadala ng anumang mensahe bilang pasasalamat sa iginawad na parangal.
Ito ang ikalawang sunod na taon na hindi sumipot si Donaire para kunin ang Athlete of the Year award. Ang kawalan ng opisyal na komunikasyon na siya ay gagawaran ng karangalan ng pinakamatandang sportswriting fraternity sa bansa, ang depensa ni Donaire sa kung bakit wala siyang naging tugon bagama’t sinabi ng mga opisyal ng PSA na nakausap nila ang kanyang mga handlers para ipagbigay alam ang tungkol sa award.
Hari ng WBO super bantamweight champion, si Donaire ay nasa kasagsagan ng paghahanda para sa unification title fight laban kay WBA champion Guillermo Rigondeaux ng Cuba sa Abril 16.