2 sunod na panalo sa Ginebra
MANILA, Philippines - Nakakadalawang sunod na panalo na ang Barangay Ginebra. Isang linggo matapos pataubin ang defending champion San Mig Coffee, 96-88, ang reigning Phi-lippine Cup titlist Talk ‘N Text naman ang itinumba ng Kings nitong Linggo, 107-100 sa pangunguna ng 28 puntos ni Mark Caguioa, 24 ni import Vernon Macklin at 20 ni LA Tenorio. Ito ang kauna-unahang beses sa conference na tatlong magkakampi ay nakapagtala ng at least 20 puntos bawat isa sa isang laro. Ang resulta: ang kauna-unahang beses sa confe-rence na nanalo ng back-to-back na laro ang Barangay Ginebra na may 3-5 na panalo-talo karta na ngayon. Naitala din ng Kings ang kanilang dalawang panalo sa harap ng dalawang pinakamalaking crowd attendance sa conference – 16,617 kontra sa Mixers at 16,082 laban sa Tropang Texters. May anim na laro pa bago matapos ang eliminations, hindi na nalalayo ang Barangay Ginebra sa mga nangu-ngunang koponan, dalawang linggo pagkatapos naghihikahos sa kanilang 0-3, 1-4 at 1-5 records pa noon. Dalawa sa sampung koponan ang hindi papasok sa playoffs pagkatapos ng elims at lumaki na ang tsansa ng Kings na hindi masama sa dalawang ito. Dahil din sa dalawang sunod na panalo ng Gins, ang nangungulelat na Globalport na lamang ang hindi pa nananalo ng da-lawang sunod sa torneo. Pang-apat na talo na ito ng Tropang Texters sa kanilang 8-laro sa kasalukuyang second conference. Sa nakaraang Philippine Cup kung saan napanalunan ng TNT ang isang makasaysayang 3-peat sa all-Filipino conference, 4-talo lang ang nalasap ng Tropang Texters sa kabuuang 25 na laro.