MANILA, Philippines - Maaga pa para magsabi ng prediksiyon ngunit ang ipinakita ng apat na Pinoy Junior boxers sa nakaraang Asian Youth Boxing Championships sa Subic ay nagpapakita ng magandang senyales na nakabalik na ang ABAP sa landas para sa inaasam na Olympic gold medal.
Nasaksihan ni ABAP president Ricky Vargas ang sunud-sunod na pagpapanalo ng gold medal ng Ph team.
Nakopo ng 17-anyos na si Jade Bornea ng Ge-neral Santos City ang ginto sa lightflyweight na sinundan ng 18-anyos na si Ian Clark Bautista ng Binalbagan sa flyweight, James Palicte, 18-gulang ng Bago City sa lightweight at Eumir Felix Marcial, 17-gulang ng Zamboanga City sa light welterweight.
Ang Philippines ay naglahok ng limang fighters sa 24-nation, 17-18 age group competition at tanging si bantamweight Jonas Bacho lang ang nabigong manalo ng medal.
Sa kabuuan, ang mga Pinoy ay natalo lamang ng isang beses sa 20 bouts. Nag-uwi ang Kazakhstan ng 4 gold medals at silver. Ang Uzbekistan ay may isang gold, 4 silvers at 2 bronzes. Ang China ay may 1 gold, 1 silver at 2 bronzes. Tumapos ang Japan na may 2 silvers at 2 bronzes habang ang Mongolia at Iran ay may tig-isang silver at tigalawang bronzes. Naka-bronze ang India (4), Iraq (2), Kyrgyzstan (1), Turkmenistan (1), Jordan (1) at Vietnam (1).