MANILA, Philippines - Pararangalan ngayong gabi ang mga atleta at personalidad na nagpakinang sa Philippine sports sa taong 2012.
Kabuuang 59 persona-lidad ang kikilalanin sa Philippine Sportswriters Association (PSA)-MILO Annual Awards Night sa grand ballroom ng Manila Hotel ngayong gabi.
Nangunguna sa honor roll list sina world title holders Nonito Donaire Jr. at Josie Gabuco kasama ang mga champion teams ng Ateneo Blue Eagles at Manila women’s sotfball.
Sila ang mga co-winners ng PSA Athlete of the Year award na ibibigay ng pinakamatandang media organization sa bansa sa ilalim ni president Rey Bancod ngTempo.
Si sportsman-businessman Mikee Romero ang magsisilbing guest of ho-nor at speaker at makakasabay sa center stage sina Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco at Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia.
Magsisimula ang event sa ganap na alas-7:30 ng gabi at pamumunuan nina basketball great Benjie Paras at Ai Dela Cruz bilang mga hosts bukod pa sa live performance ni Isabelle De Leon.
Ang long-time PSA partner na DZSR Sports Radio 918 ang magsasaere ng event na itinataguyod ng PSC, San Miguel Corp., Smart, Philippine Basketball Association, Globalport 900, Rain or Shine, LBC, Meralco, Senator Chiz Escudero, SM Prime Holdings, ICTSI at Phi-lippine Golf Tour.
Ibibigay din sa two-hour, special ceremony ang major awards sa iba’t ibang sports, ang President’s Award (Smart Gilas Pilipinas), ang Executive of the Year (Chito Salud), ang NSAs of the Year (SBP at NGAP), ang Mr. Football (Chieffy Caligdong at Eduard Sacapano), ang Outstanding High School Players (Axel Toni Ngui at Kirsten Chloe Daos), Tony Siddayao Award at iba pang special citations.
Mag-aalay din ng isang minutong katahimikan at pagdarasal para sa mga prominenteng atleta at kaibigan ng Philippine sports na sumakabilang buhay noong 2012.