Marcial, Bornea pagasa ng Pinas sa Gold medal: Asian Youth Boxing C’ships
MANILA, Philippines - Sinandalan nina Felix Eumir Marcial at Jade Bornea ang bitbit na karanasan sa paglahok sa malalaking torneo sa labas ng bansa upang mapagtagumpayan ang makapasok sa finals sa 2013 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships kahapon sa Subic Gym.
Kalaban ang beterano ring si Shatlykmrat Myradov ng Turkmenistan, ginamit ng 17-anyos at World Youth Championships bronze medalist na si Bornea ang kanyang utak tungo sa 17-10 tagumpay sa semifinals sa light flyweight division.
“Talagang pinag-igihan ko ito dahil isang laban na lang at nasa finals na. Magaling siya pero timing sa mga suntok ang ginawa ko,†wika ni Bornea na tubong General Santos City.
Lakas sa magkabilang kamao ang ipinaramdam ni Marcial, ang 2011 World Junior Championships gold medalist, laban kay Anvar Turamov ng Uzbekistan sa huling dalawang round para makalayo mula sa dikitang 5-4 iskor sa unang round tungo sa 17-10 panalo sa light welterweight division.
Sa tindi ng lakas ni Marcial ay lumuhod si Turamov matapos masapul ng kanang hook sa ulo mula sa palitan sa ikalawang round na dinomina ng una, 7-4, tungo sa 12-8 kalamangan.
“Sa first round, bira ako ng bira kaya napagod ako. Pero andoon ang suporta ng mga tao at naririnig ko na suntok Pi-lipinas sige, kaya nakuha ko uli ang aking lakas,†paliwanag ni Marcial.
Ang asam na ginto nina Bornea at Marcial sa kompetisyong itinataguyod ng ABAP-PLDT at may suporta ng MVP Sports Foundation at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), ay paglalabanan ngayong hapon.
Haharapin ni Bornea ang mananalo sa pagitan nina Lalitha Polipalli ng India at Kosei Tanaka ng Japan .
- Latest