MANILA, Philippines - Hindi binigo nina Eumir Felix Marcial at Jade Bornea ang kanilang mga kababayan na sumusuporta sa kanilang mga laban nang tiyakin na ang bronze medals matapos manalo sa hiwalay na laro sa pagpapatuloy kahapon ng 2013 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships sa Subic Gym, Zambales.
Sa unang round lamang nangapa sa kanyang porma ang 2011 World Juniors champion na si Marcial dahil sa sumunod na dalawang round ay dominado na niya si Wang Qingqui ng China tungo sa 19-11 tagumpay sa quarterfinals sa light welterweight division.
Ginamit ni Marcial ang matitinding kumbinasyon upang mangarag si Wang na sa unang round ay nakasabay pa sa 4-4 iskor.
“Hindi pa mainit si Marcial sa first round pero noong nakuha na niya ang kanyang laro at ang distansya, wala nang problema,†wika ni coach Romeo Brin na katuwang si Elmer Pamisa ang dumidiskarte sa limang boksingero na inilaban sa torneong inorganisa ng ABAP-PLDT at suportado ng MVP Sports Foundation at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Naunang nakaabante sa semifinals si Bornea, ang bronze medalist sa World Youth Cham-pionships noong nakaraang taon, na pinataob si Rakhmankul Avatov ng Kyrgyzstan, 16-6, sa light flyweight division.
Posible pang madagdagan ang mga manlalaro ng Pilipinas sa semifinals sa torneong may ayuda rin ng PLDT, Smart, NLEX, Maynilad, Clarktel, Su-bictel, Department of Tourism, Tourism Promotions Board, Videogear Inc., Exile Lights and Sound, Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission, Sony Philippines, Coca-Cola Bottlers at Nestle Philippines, dahil ang nalalabing tatlong boksingero ay sumalang sa aksyon kagabi.
Si flyweight Ian Clark Bautista na tinalo si Lin Wei Lu ng China, 14-8, ay kaharap si Sagidyk Moldashev ng Kazakhstan; si bantamweight Jonas Bacho na umukit ng 18-5 panalo kay Ruchira Gunasena ng Sri Lanka, ay babangga kay Nursuitan Nisanbaev ng Uzbekistan; at si lightweight James Palicte ay makikipagpalitan ng suntok kay Nagesh Kharare ng India.