MANILA, Philippines - Mga karerang lalahukan ng mga edad na tatlong taong kabayo ang matutunghayan sa susunod na apat na malalaking stakes races hanggang sa buwan ng Abril.
Ang paglarga ng ganitong karera ay magsisilbing tune-up ng mga 3-year old horses sa pag-arangkada ng 2013 Triple Crown Stakes na hahataw sa buwan ng Mayo, Hunyo at Hulyo.
Sa Marso 16 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite gagawin ang Philracom Chairman’s Cup na paglalabanan sa 1,600m distansya.
Magiging mahigpitan ang tagisan dahil sa isinahog na P2 milyong kabuuang premyo at ang papalaring kabayo ay maghahatid ng P1.2 milyong gantimpala sa kanyang horse owner.
Tatlong stakes races na suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom), ang gagawin sa Abril at nilagyan ng kabuuang P1.5 milyong premyo.
Una rito ay ang 3rd Leg Imported/Local Challenge Race na tinawag din na Dr. AP Reyes I. Mga kabayong edad tatlong taon pataas ang puwedeng sumali at magsusukatan ang mga ito sa mahabang 1,800m distansya sa bakuran ng Santa Ana Park, Naic, Cavite.
Sa Abril 14 sa San Lazaro Leisure Park ay gagawin ang Dr. AP Reyes II at III para sa fillies at colts na parehong inilagay sa isang milyang distansya.
Matapos ang mga karerang ito, makikilatis kung sino ang may tsansang maging isang Triple Crown champion dahil sa Mayo 18 sa bagong karerahan na Metro Turf Club sa Malvar, Batangas tatakbo ang 1st Leg ng Triple Crown. Sa 1,600m ang distansya ng karera.
Ang second leg ay sa Hunyo 15 sa Santa Ana Park sa 1,800m distansya habang ang ikatlo at huling leg ay sa Hulyo 13 sa San Lazaro Leisure Park at inilagay ito sa 2,000m distansya.
Ito ang unang pagkakataon na sa tatlong magkakaibang pista gagawin ang prestihiyosong karera na sinahugan ng tig-P3 milyon kaya’t tunay na masusukat ang mga sasali sa taong ito.
Sinimulan ang Triple Crown Championship noong 1978 at siyam na kabayo pa lamang ang pinalad na winalis ang tatlong titulo.
Ang huli ay ang Hagdang Bato noong nakaraang taon upang maisama kina Silver Story (2001), Real Top (1998), Strong Material (1996), Sun Dancer (1989), Magic Showtime (1988), Time Master (1987), Skywalker (1983), Fair And Square (1981).