MANILA, Philippines - Pitong kabayo ang magsusukatan ngayon para sa PCSO Special Maiden Race na isa sa dalawang tampok na karera sa pagtakbo ng pista sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
May 14 races ang mapapanood sa maghapon at isa sa kasasabikan ay ang karerang suportado ng Philippine Chari-ty Sweepstakes Office na lalahukan ng mga kabayong edad tatlong taon at magpapasiklaban sa 1,200m distansya.
Ang mga kasali ay ang Aison Me, Don Andres, Dream Of All, Gee’s For Victory, Stand In Awe, Golden Sphink at Diana Beatrice.
Ang Gee’s For Victory at Stand In Awe na sakay nina Jonathan Hernandez at Jessie Guce ang inaasahang maglalaban sa kampeonato pero hindi puwedeng isantabi ang lakas ng ibang kasali dahil na rin sa magandang gantimpala na P600,000.00 mula sa P1 milyon na paglalabanan.
Ang papangalawa ay mayroong P225,000.00 habang P125,000.00 at P50,000.00 ang premyo ng papangatlo at papang-apat. Ang winning breeder ay mayroong P50,000.00 premyo.
Ang unang malaking karera ay ang 2013 Philracom Commissioner’s Cup na sasalihan lamang ng tatlong kabayo pero apat ang opisyal na bilang.
Patok ang premyadong kabayo na Hagdang Bato na sasakyan uli ni Hernandez para kay Mandalu-yong City Mayor Benhur Abalos at tatakbo kasama ang coupled entry na Barkley (KB Abobo).