MANILA, Philippines - Papalakihin pa ng mga nagtataguyod ng Palarong Pambansa ang 2013 edisyon na gagawin sa Dumaguete City, Negros Oriental sa paghahanap ng katuwang para maipalabas ang mga laro sa telebisyon.
Ang Palaro ay gagawin mula Abril 21 hanggang 27 at katatampukan ito ng aksyon sa mga atletang nasa elementarya at sekondarya
“Ginawa namin ito noong nakaraang taon sa Pangasinan at maganda ang nangyari dahil nabibigyan ng pagkakataon ang mga batang atleta na makilala,†wika ni Department of Education undersecretary Tonisito Umali nang dumalo sa SCOOP sa Kamayan Padre Faura.
Balak din panatilihin ng DepEd ang website na magpapakita ng live scoring sa bawat laro para lahat ng mga tumatangkilik sa aksyon sa kapuluan ng bansa ay makakakuha ng bagong balita sa paboritong koponan.
May 17 sports ang paglalaban uli sa taong ito pero masasama ang larong billiards, wushu at futsal bilang mga demo sports.
“Ito ay ipinakiusap ng Philippine Sports Commission (PSC) dahil marami ang mga batang nahihilig sa tatlong sports na ito. Sa elementary gagawin ang futsal habang ang billiards at wushu ay sa secondary. Ang form lamang sa wushu ang gagawin at hindi kasama ang sparring,†dagdag ni Umali.
Ang National Capital Region ay nagbabalak na ipagpatuloy ang pa-ngunguna sa kompetisyon habang ang Western Visayas at Southern Tagalog ang siyang makakaribal uli.
Ang NCR ay sasandal uli sa lakas ng kanilang mahuhusay na pambato sa swimming, boys’ athletics, basketball at boys’ volleyball na kanilang dinomina sa huling edisyon ng Palaro na ginanap sa Pangasinan.