MANILA, Philippines - Pinakawalan ng Rain or Shine ang kalamangan na umabot sa 20 puntos pero nasagip sila nina Gabe Norwood at rookie Chris Tiu sa endgame para talunin pa rin ang Globalport, 103-95 kagabi sa PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nagtala ng 11 sa kanyang 13 puntos sa fourth quarter si Norwood samantalang iniskor din ni Tiu ang 11 sa kanyang career-high na 16 puntos sa nasabing yugto para magbida sa Elasto Painters na naitala ang kanilang panglimang sunod na panalo at tumabla pansamantala sa liderato sa kanilang 5-1 na panalo-talo kasama ang Petron Blaze at Alaska na naglalaban pa habang sinusulat ang balitang ito.
Lumamang ng umabot sa 55-35 sa third quarter ang Rain or Shine pero humabol pa rin ang Batang Pier na nakakuha ng magandang laro sa anim na locals na nagsumite ng double figures sa pangunguna ng 23 puntos ni Gary David.
Bagamat hindi na pinalaro ng husto ang import na si Justin Williams na papalitan na sa susunod na laro ni Walter Sharpe, naghabol pa rin ang Globalport at inagaw pa ang bentahe sa 89-88, may 4:18 na lamang ang natitira sa laro.
Pero nagkapit-bisig sina Norwood at Tiu sa isang 15-7 run ng Rain or Shine na sa katunayan pinarisan ang pinakamahabang winning streak sa kasaysayan ng prangkisa na kanilang naitala sa Philippine Cup ng nakaraang season.
Samantala, ipaparada ng Talk ‘N Text ang bagong import nitong si Donnell Harvey sa pakikipagharap sa Barako Bull ngayon sa Phoenix-PBA On Tour sa Legazpi City.
Maghaharap ang TroÂpang Texters at EnerÂgy Cola sa nag-iisang ika-6:30 p.m. na laro sa Ibalong Centrum for ReÂcreation ng dalawang koponang parehong galing sa magkasunod na talo.