Agawan sa No. 1 Petron vs Alaska

MANILA, Philippines - Bakbakan para sa liderato sa team standings ang mangyayari sa paghaharap ngayon ng Alaska at Petron Blaze sa PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Parehong may 5-1 na panalo-talo karta, maghaharap ang Aces at Boosters sa alas-7:30 ng gabi kung saan baka unang lugar sa playoffs na rin ang nakataya.

Sa nakaraang dalawang Philippines Cup na may kaparehong format ng kasalukuyang confe-rence, at least anim na panalo ang sisiguro ng lugar sa playoffs at walong koponan lamang na aabante pagkatapos ng elimination round.

Sa alas-5:15 ng hapon  na unang laro naman ang salpukan ng Globalport (2-4) at Rain or Shine (4-1) na may 3-game losing at 4-game winning streaks, ayon sa pagkakasunod.

Galing sa unang talo nito sa conference, ang Alaska ay pinataob ng San Mig Coffee, 75-68 nitong Miyerkules lamang kung kaya’t nakasosyo na lamang sa lide-rato sa standings kasama ng Petron Blaze.

Kung ano ang ginawa ng Mixers sa Aces ay siya namang nais gawin ng Aces sa Boosters – pigilan ang 5-game winning streak.

Ang Petron Blaze ang pinakamainit na koponan ngayon pagkatapos magtala ng ikalimang sunod nitong panalo, 91-78 kontra sa Barako Bull noong Linggo.

Ang bakbakan ng Aces at Boosters ay laban ng mga koponang pinakamagaling sa depensa sa conference. Nag-a-ave-rage lamang ng 74.7 puntos ang mga nakalaban na ng Alaska samantalang 79.0 naman para ang mga nakalaban na ng Petron Blaze. Sila lamang ang dalawang koponan sa conference na hindi pinapaabot sa 80 ppg average ang kanilang mga kalaban.

Samantala, sinuspindi ng PBA Commissioner’s Office si referee Peter Balao ng sampung araw para sa hindi nito pagtawag ng foul sa endgame ng laban ng Air21 at Meralco kung saan nagwagi ang huli, 89-88.

Krusyal ang naging non-call sa huling possession ng laro ni Balao na nagbigay sana sa Express ng pagkakataong manalo.

Si Balao ang pangatlong referee  na nasuspindi ng liga sa conference dahil sa masamang officiating pagkatapos nina Emmanuel Tankion at Allan Balatucan.

 

Show comments