Philracom maghihigpit sa kalusugan ng mga pangarerang kabayo
MANILA, Philippines - Mahigpit sa pagtrato ang Philippine Racing Commission sa kalusugan ng mga tumatakbong kabayo.
Ilang mga kabayo na ang nasususpindi ng ilang araw para ipagpahinga ang mga inindang injury at matiyak na ang mga panlabang kabayo ay nasa magandang kondisyon sa bawat takbo.
Ang pagkakaroon ng tatlong karerahan ang sinasabing rason para masagad ang ibang pangarerang kabayo dahilan upang magkaroon ng aberya ang mga ito.
Isa nga sa pinapagpahinga ay ang Señora Nenita na hindi matutunghayan sa pista sa loob ng apat na linggo dahil sa bruised sole na nagresulta sa pagkaka-scratch sa karera noong Pebrero 24.
Ang John’s Memory at It’s June Again na dapat ay sinakyan ni AP Navarosa noong Pebrero 24 ay na-scratch dahil sa off-feed at ipinag-utos din na magpahinga sa loob ng apat na linggo.
Ang Señora Nenita, John’s Memory at It’s June Again ay kailangan ding sumalang sa isang barrier race bago makabalik. Ang Señora Nenita ay dapat magpakita ng veterinary certificate para makitang maayos na bago sumalang sa barrier race.
Samantala, tatlong kabayo ang namayapa na matapos lamang ang dalawang buwan ng pangangarera.
Nangyari noong nakaraang buwan dahil sa pagkakatapilok o matinding injury sa paa.
Ang mga kabayong ito ay ang Lady Dancer, Blue Seal at Yonamizmo.
Nadisgrasya ang unang dalawang kabayo noong Pebrero 21 at ang Lady Dancer na sakay ni AL Gamboa ay ipinag-utos na patayin na matapos mabalian ng paa papasok sa rekta sa nilahukang karera.
Ang Blue Seal na ginabayan ni Roderick Hipolito ay natapilok sa tinakbuhang race 7 at pinagpahinga na.
Inatake naman ang Yonamizmo na dala ni Val Dilema noong Pebrero 16 sa huling 100-metro ng tinakbuhang karera.
Dalawang kabayo naman ang nadisgrasya noong Enero at ito ay ang Ballistic at Simple Beauty na parehong natapilok sa karerang nangyari noong Enero 6 at 20.
- Latest