Telenovela naka-2 sunod sa Metro Turf Club

MANILA, Philippines - Nakuha ng kabayong Telenovela ang ikalawang sunod na panalo sa bagong bukas na Metro Turf Club nang manalo ito noong Miyerkules ng gabi sa Malvar, Batangas.

Sa pagdadala ni Jonathan Hernandez, nakita uli ang tikas  ng Telenovela matapos dominahin ang class division 1 race na inilagay sa 1,000m distansya.

Bagama’t binigyan ng magandang hamon ng Dwindwindwin at Apple Green, naging handa ang Telenovela para sa asam na panalo.

Ang Apple Green na dala ni JL La-zaro ang naghabol sa rekta pero hindi na ito umabot pa tungo sa halos isang dipang agwat na panalo ng Telenovela.

Noong Pebrero 22 nanalo ang Telenovela sa nasabing race track sa pagdadala ni Russel Telles at ang ikalawang dikit na panalo sa paggiya ni Hernandez ay nagpasok ng P21.50 dibidendo. Ang 1-6 forecast ay naghatid ng dehado pang P256.50 gantimpala sa mga nanalig na karerista.

Ang Dieguito na nagbalak din na manatiling malinis sa race track na pag-aari ng Metro Manila Turf Club Inc. ay wala sa kondisyon at hindi tumimbang.

Hindi naman pinalad ang kabayong Indemand na makatikim ng panalo nang makontento uli sa pangalawang puwesto sa nilahukang karera.

Ang pangalawang puwesto ay ikalawang sunod sa Indemand, pinatawan ng pinakamabigat na peso na 55 kilos, matapos mabigo sa Telenovela noong Pebrero 22.

Naghatid ang panalo ng Sweet Lohrke ng P15.50 habang P38.50 ang dibidendo sa 3-1 forecast.

Ang Isla Verde ang siyang lumabas bilang pinakaliyamadong kabayo na nanalo sa anim na karerang pinaglabanan.

Unang panalo sa ikalawang takbo sa race track ang nakuha ng Isla Verde para makapaghatid ng P9.00 sa win habang P87.50 ang ipinasok ng 9-5 forecast.

Show comments