Ateneo hari ng UAAP baseball; Adamson kampeon ng softball

MANILA, Philippines - Makasaysayang pagtatapos ang ginawa ng Ateneo Blue Eagles at Adamson Lady Falcons nang talunin ang mga nakaharap tungo sa pagbulsa sa UAAP baseball at softball titles na pinaglabanan kahapon sa Rizal Memorial Ballpark.

Unang lumapit ang Lady Falcons na tinalo ang National University Lady Bulldogs, 4-1 sa Game 1, nang nakaiskor ng tatlong runs sa eight inning.

Natapos ang regulation (seven innings) na tabla ang Adamson at NU sa 1-1 pero sa extension ay lumabas ang talas ng laro ng Lady Falcons upang kunin ang ikatlong sunod na softball title at palawigin ang pagpapanalo sa huling tatlong taon sa 34-0.

Dinagit naman ng Eagles ang kauna-unahang titulo sa baseball nang paamuin ang dating kampeong Bulldogs, 4-0.

Dalawang runs agad ang ginawa ng Eagles sa unang inning at bumanat pa ng tig-isa sa fourth at fifth bago sinandalan ang husay ng pagpukpok ni Miguel Salud para kunin ang Game 3.

Si Matt Laurel ay mayroong dalawang runs habang si Salud ay bumawi matapos isuko ang 8-9 pagkatalo sa Game 2 sa paglimita sa Bulldogs sa limang hits lamang bukod sa anim na strikeouts.

Show comments