MANILA, Philippines - Inilabas na ng Ginebra San Miguel, Inc. (GSMI) ngayong buwan ang limited edition ng ‘Jawo’ bottle bilang pagkilala sa natatanging kontribusyon ng dating Ginebra playing coach na si Robert ‘Big J’ Jaworski.
Ang ‘bilog’ bottle ay inilunsad sa pagdaraos ng Panagbenga Festival sa Baguio City kung saan ipinanganak ang tinaguriang ‘Living Legend’ sa lara-ngan ng basketball, noong ika-8 ng Marso 1946. Ang kanyang ama ay isang Polish-American at Filipina naman ang kanyang ina.
Pinasikat ni Jaworski ang ‘never-say-die’ attitude sa Barangay Ginebra San Miguel team na nanalo ng apat na kampeonato sa PBA.
Dinala si Jawo ng kanyang kasikatan sa Senado noong 1998 at noong nakaraang taon, iniretiro ng PBA ang kanyang No. 7 jersey.
Ang paglulunsad ng limited edition na Jawo bilog bottles ay bahagi rin ng paunang pagdiriwang ng Ginebra San Miguel ng ika-180 anibersaryo sa 2014 at bilang pasasalamat sa milyun-milyong tumatangkilik ng Ginebra San Miguel mula pa noong 1834.