MANILA, Philippines - Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang National University netters nang kunin ang 3-1 panalo sa UST at angkinin ang men’s lawn tennis title na pinaglabanan noong Linggo sa Rizal Memorial Tennis Center.
Binalewala ng Bulldogs ang unang panalo ng Tigers sa unang singles nang manaig sina Leander Lazaro sa second singles at sina Dheo Talatayod-Al Michael Madrio at Jigo Pena-Tim Polero sa dalawang doubles tungo sa tagumpay.
Hindi natalo sa 11 laro ang Bulldogs upang patunayan ang mga haka-haka noong nakaraang taon na ang koponan ang magdodomina sa liga.
Ateneo nakatikim uli ng titulo sa football
Lumabas uli ang husay sa penalty shootout ng Ateneo para makumpleto ang 2-0 sweep sa dating kampeon na UP sa bisa ng 4-2 panalo sa UAAP football noong Linggo sa Moro Lorenzo Field.
Sina Eric Figueroa, Val Calvo, Mikko Mabanag at Yu Murayama ang umiskor para sa Eagles tungo sa kauna-unahang titulo matapos makapagtala ng ‘Grandslam’ mula 2004 hanggang 2006.
Hinablot naman ng FEU ang ikalawang titulo sa huling tatlong taon sa women’s football sa pamamagitan ng 2-0 panalo sa La Salle.
Baseball, softball title nakataya
Magtutuos ngayong ika-12 ng tanghali ang nagdedepensang National University at Ateneo para sa titulo sa baseball na gagawin sa Rizal Memorial Ballpark.
Tabla ang serye sa 1-1 at walang itulak-kabigin sa Bulldogs at Eagles lalo pa’t kondisyon ang mga manlalaro matapos ang isang linggong pahinga.
Haharapin naman ng Adamson ang National University sa ganap na ika-9 ng umaga at pakay ang 14-0 sweep tungo sa pagsungkit ng ikatlong korona sa softball.