LOS ANGELES -- Kumolekta si Dwight Howard ng 24 points at 12 rebounds para tulungan ang Los Angeles Lakers sa isang emosyonal na 113-99 panalo kontra sa Boston Celtics noong Miyerkules ng gabi para sa kanilang unang laro matapos mamatay si team owner Jerry Buss.
Nagdagdag si Kobe Bryant ng 16 points, habang may tig-14 sina Steve Nash at Earl Clark kasunod ang 12 ni Metta World Peace sa larong tiyak na nasiyahan si Buss laban sa Celtics.
Nakamit ng Lakers ang kanilang pinakahuling NBA championship sa ilalim ni Buss noong 2010 nang talunin ang Celtics, 4-3, sa finals. Namatay si Buss noong Lunes sa edad na 80-anyos matapos ang isang 18 buwan na pakikipaglaban sa cancer.
Tumipa naman si Paul Pierce ng 26 points para sa Celtics, nahulog sa 8-17 win-loss record sa road games at nalasap ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan sa labas ng Boston. Nag-ambag si Courtney Lee ng 20 points at may 12 si Kevin Garnett mula sa kanyang 6-of-14 shooting.
Ang magandang ipinakita ni Howard ay nangyari matapos ang All-Star break at huling araw ng NBA trade deadline. Tiniyak ni general manager Mitch Kupchak na hindi nila ipamimigay si Howard.
Humakot naman si Clark ng career-high na 16 rebounds, habang nagbigay si Antawn Jamison ng 15 points mula sa bench para sa Los Angeles.
Mula sa kanilang nine-point lead sa first half, lumayo ang Lakers sa 75-57 sa pagsisimula ng third period sa likod nina World Peace, Bryant, Nash, Howard at Clark. Nagtala si Nash ng 7 assists para sa kanyang 10,144 na tumabon kay Magic Johnson para sa fourth place sa career list.