HOUSTON, Texas -- Tinanggalan ng korona ni Terrence Ross ng Toronto Raptors si defending champion Jeremy Evans ng Utah nang kanyang pagharian ang NBA Slam Dunk Contest nitong Sabado sa pamamagitan ng world wide na botohan sa social media.
Matapos salain ng mga judges na mga retired NBA players na kinabilangan ni Chinese Legend Yao Ming, ang mga kalahok para sa final round, dalawang impresibong dunks ang isinalaksak ni Ross na nagbigay sa kanya ng 58% fan votes via Twitter at iba pang websites.
“It’s a dream come true,†pahayag ni Ross.
Nauna si Evans nang mag-windmill dunk ito kung saan nilundagan nito ang may takip na painting at nang tanggalin niya ang takip ng painting ay makikita ang drawing ng kanyang ginawang dunk.
Sinagot ito ni Ross ng running dunk mula sa gilid ng goal at idinakdak niya ang bolang pinatalbog sa gilid ng backboard.
Ang sumunod na dunk ni Evans ay running one-handed dunk mula sa gilid at tinapatan ito ni Ross sa pamamagitan ng paglundag sa isang ballboy, pinadaan ang bola sa pagitan ng kanyang mga binti at idinakdak niya ito sa basket ng kanyang kanang kamay.
Ang iba pang nanalo sa All-Star festivities bago ang NBA All Star game ay sina Kyrie Irving ng Cleveland Cavaliers sa Three-Point Contest at Portland Trail Blazers rookie Damian Lillard sa Skills Challenge.
Nagpasok si Irving ng 17 sa kanyang unang 18 attempts sa final round para sa 23 points na tuma-lo sa 20 points ni Matt Bonner ng San Antonio.
Nagsumite naman si Lillard ng pinakamabilis na oras na 29.8 seconds sa Skills Challenge na obstacle course kung saan kailangang mag-dribble, mag-shoot at magpasa para talunin ang mga kalabang kinabibilangan nina Jeremy Lin ng Houston at 2012 winner Tony Parker ng San Antonio.
Ang highlight ng All-Star Week ay ang West All-Stars vs East All-Stars game na gaganapin nitong Linggo.