MANILA, Philippines - Walang dapat asahan sa paglarga ng unang P2 million stakes race sa taong 2013 kungdi ang paglahok ng mga premyadong kabayo na nagdomina noong nakaraang taon.
Masisilayan ang Hagdang Bato sa unang pagkakataon matapos walisin ang halos lahat ng malalaking stakes race noong 2012 sa paglarga ng PCSO Freedom Cup Stakes Race bukas sa pagtatapos ng pista sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Patutunayan ng kabayong pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos at didiskartehan ni Jonathan Hernandez na taglay pa rin ng Hagdang Bato ang bangis na ipinakita noong nagdaang taon kung saan hindi ito natalo sa 11 takbo at nagkamal ng P13,465,977.05 premyo.
Dahil dito, ang Hagdang Bato at si Hernandez ang hinirang bilang Horse of the Year at Jockey of the Year ng PSA sa gaganaping awards night sa Marso 16.
Ang pakarerang ito ay isinasagawa ng Philippine Charity Sweepstakes Office para gunitain ang 1986 People Power Revolution.
Paglalabanan sa isang milya (1,600m) ang karera at tumataginting na P2 milyon ang kabuuang premyo na nakataya.
Ang mananalo ay mag-uuwi ng P1.2 milyong piso habang ang papangalawa ay may P400,000.00. Nasa P250,000.00 ang gantimpala ng papangatlo habang P150,000.00 ang tatanggapin ng papang-apat sa datingan.
Walang nararapat na humamon sa ngayon sa apat na taong kabayo na Hagdang Bato kungdi ang mahusay ding Magna Carta na pag-aaari ni Michael Dragon Javier.
Balak ng handlers ng Magna Carta na bawian ang Hagdang Bato matapos agawin ang korona ng una sa idinaos na Presidential Gold Cup noong Disyembre.
Pinatawan ng 58.5 kilos ang kabayong didiskartehan ni JB Guce laban sa 55 kilos ng Hagdang Bato pero puwedeng maging palaban ang Magna Carta dahil sa distansyang paglalabanan.
Sa PGC ay halos ganito rin ang timbang ng dalawang kabayo pero sa mahabang 2,000m ginawa ang tagisan.
Ang iba pang kasali ay ang Barkley na entrada rin ni Abalos, Chevrome at ang coupled entries ding High Voltage at Maker’s Mark na sisikaping makapanilat sa mga pinapaborang katunggali.
Gagawin naman bukas ang PCSO 3-YO Open na lalahukan ng mga kabayong Magical Boy, Appointment, Queen Quaker, Skydrifter at Azimuth.
Sa distansyang 1,300m paglalabanan ang karera at siyang magiging tampok na karera sa maghapon.