SMBeer gustong maka-2 sunod

MANILA, Philippines - Asam ng San Miguel Beermen ang ikalawang sunod na panalo sa pagbangga sa Westport Malaysian Dragons sa 4th ASEAN Basketball League (ABL) sa MABA stadium sa Malaysia.

Unang back-to-back wins ang maipoposte ng Beermen sakaling palawigin nila ang losing streak ng Dragons sa kanilang ika-3 ng hapon na tagisan.

Galing ang Beermen sa 77-73 tagumpay sa Chang Thailand Slammers noong Miyerkules sa Bangkok matapos ang impresibong paglalaro sa pangunguna nina Chris Banchero at Gabe Freeman.

“On and off kami kaya kailangan kakitaan kami ng consistensy,” wika ni Beermen coach Leo Austria na mayroong 3-2 baraha.

Bukod kina Banchero at Freeman na tumapos taglay ang 26 at 20 puntos sa huling laban, sisipatin din ang ipakikitang laro ng dating Dragons import na si Brian Williams na nalimitahan lamang sa tatlong puntos sa laro laban sa Slammers.

Hindi naman magagamit ng home team na hawak ni Filipino coach Ariel Vanguardia ang masipag na import na si Cedric Bozeman dahil sa knee injury ngunit kinuha nila bilang pansamantalang pamalit si Sam Monroe.

Ang dating Gilas player na si Justin Melton ay hinugot din para palitan si Fil-Am Mark Jeffries upang may makatuwang ang kamador na si Patrick Cabahug.

Nais ng Dragons na tapusin ang apat na sunod na pagkatalo na nagtulak sa koponan upang malaglag sa huling puwesto kasalo ang Slammers sa 2-4 baraha.

Show comments