MANILA, Philippines - Binigyan ng Barako Bull ng magandang regalo para sa kanyang ika-58 na kaarawan si team consultant Rajko Toroman nang kanilang talunin ang Globalport, 98-88 sa overtime kagabi para sa maagang solo lead sa PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nanguna sa panalo ng Energy Cola ang 25 at 24 puntos ayon sa pagkakasunod nina import Evan Brock at Josh Urbiztondo pero ang beteranong si Danny Seigle ang nagbida sa overtime kung saan inis-kor nito ang lima sa kanyang 16 puntos na hinigitan ang dalawang puntos lamang ng buong Batang Pier sa nasabing yugto.
Na-outscore sa katunayan ng Barako Bull ang Globalport, 12-2 sa extra period para sa kanilang ikalawang sunod na panalo at pinakamagandang simula sa isang conference mula nang mag-2-0 start din sa 2009 Fiesta Conference habang dala pa ang pangalang Burger King at nasa ilalim pa ni Yeng Guiao.
“Great win for us. We showed character out there even though our players are still adjusting to a new system and even though we still have lost of players injured,†pahayag ni Toroman sa postgame interview pagkatapos ng laro kung saan siyam na players lamang ang kanyang ginamit dahil sa injuries.
Tulad ng kanilang 79-75 na panalo sa defending champion San Mig Coffee noong Biyernes, hindi pa rin nakapaglaro ang mga tulad nina Sean Anthony, Rico Villanueva, Celino Cruz, JC Intal, Roger Yap at rookie Eman Monfort dahil sa samu’t saring injuries pero nagawa pa ring magwagi ng Energy Cola.
Nagdagdag ng 18 rebounds si Brock sa kanyang pinakamagandang laro mula nang dumating sa bansa.