Umpisa na ang bakbakan sa PBA Comm. Cup: San Mig coffee magdedepensa ng titulo
MANILA, Philippines - Sisimulan ng San Mig Coffee ang pagdedepensa ng korona nito sa pagbubukas ngayon ng 2013 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Makakaharap ng Mixers ang Barako Bull sa alas-7:30 ng gabi na ikalawang laro ng dalawang koponang nagpalitan ng players sa isang five-team trade nitong nakaraang conference break.
Sa unang laro sa alas-5:15 ng hapon, sisimulan ng Petron Blaze na makabangon mula sa nakakahiya nitong ipinakita hindi lamang sa nakaraang conference kundi sa nakaraang dalawang Commissioner’s Cup sa pakikipagsalpukan nito laban sa lumakas nang Globalport.
Hindi pa available si Denzel Bowles, ang import ng San Mig Coffee na naging malaking bagay sa pagkapanalo ng kampeonato ng Mixers noong isang taon habang dala pa ang produkto at pangalang B-Meg. Kasalukuyang ipinapahinga pa ni Bowles ang isang injury sa kanyang tuhod bunga ng paglalaro kamakailan sa China.
Dahil dito ay susubukan muna ng San Mig Coffee ang 6’9 na si Matt Rogers, isang produkto ng Southwest Baptist at ga-ling sa paglalaro sa Spain.
Si 6’8 ½ na si Evan Brock naman, isang da-ting import ng Indonesia Warriors sa Asian Basketball League noong nakaraang season, ang reresbak para sa Barako Bull na nasa ilalim na ngayon nina consultant Rajko Toroman at interim head coach Bong Ramos.
Makakalaban agad ng ilang players ang kanilang dating koponan at ito’y sina JC Intal at Jonas Villanueva na nasa kampo na ng Energy Cola at sina Leo Najorda at rookie Lester Alvarez na nasa Mixers na.
Kabilang ang nasabing apat na players sa nakaraang trade na kinasangkutan din ng Petron Blaze, Barangay Ginebra at Alaska kung saan nakuha din ng San Mig Coffee si rookie Alex Mallari at ang Barako Bull ay nasungkit din sina Allein Maliksi at Jojo Duncil. Nasa kampo na rin ng Energy Cola ang three-time three-point shootout champion ng PBA na si Mark Macapagal na ni-release na ng Meralco.
Ang NBA veteran na si Renaldo Balkman naman ang magiging import ng Petron Blaze bagama’t pinakamaliit sa kasaluku-yang mga imports sa kanyang pagiging 6’6 lamang.
Una sa tatlong sunod na doubleheader ngayong weekend ang mga larong ito.
- Latest