Bumaba ang kita ng horse racing industry sa nagdaang taon
MANILA, Philippines - Ang pagpasok ng ikatlong race track sa Malvar, Batangas ang isa sa mga sasandalan para tumaas uli ang interes sa karera sa taong 2013.
Ginagawan na ng paraan ng Philracom para hindi magsapawan ang tatlong race track at may potensyal ang bagong race track na tauhin dahil sa sinasabing state-of-the-art na pasilidad.
Malaking hamon sa pamunuan ng industriya ang taong ito dahil hindi maganda ang kinalabasan ng 2012 kung kita ang pag-uusapan.
Mula sa mahigit na P7.9 bilyon kita noong 2011, bumaba ang kabuuang nalikom na pera ng horse ra-cing noong nakaraang taon nang pumalo lamang sa P7,553,971,747.00 ang gross sales nito.
Mahigit na P340 milyon ang ibinagsak ng sales dahil na rin sa katotohanang sa buwan lamang ng Setyembre nahigitan ang gross sales ng nagdaang taon kumpara sa naitala noong 2011.
May 8 percent ang itinaas ng kita noong Setyembre 2012 na pumalo sa P657,647,614.00 kumpara sa P607,384,448.00 noong 2011.
Pero nakakadismaya ang ipinoste sa huling tatlong buwan na winakasan ng 7.27% na pagbagsak noong Disyembre nang pumalo lamang sa P680,944,450.00 ang kita kumpara sa P734,299,051.00 noong 2011.
Sa mga nagdaang taon, sa buwan ng Disyembre humahataw ang sales ng karera dahil sa mga naglala-kihang stakes races na isinasagawa sa pangunguna ng Presidential Gold Cup.
Bagama’t pinakamalaki pa rin ang tinabo noong Disyembre, ito naman ang lalabas bilang isa sa pinakamababa sa mga nagdaang taon.
Ang P7.5 bilyong kita ang ikalawang pinakama-baba sa huling tatlong taon dahil noong 2010 ay nasa P7.2 ang nairehistrong gross sales ng industriya.
- Latest