Pacquiao-Marquez V malabo nang mangyari: Ayaw na ni JuanMa

MANILA, Philippines - Matapos kumpirmahin ng kanyang promoter na si Fernando Beltran ng Zanfer Promotions na payag si Juan Manuel Marquez na labanan si Manny Pacquiao sa pang-limang pagkakataon sa Setyembre, taliwas naman ang naging pahayag ng Mexican fighter.

Sa panayam kahapon ng BoxingScene.com, sinabi ng 39-anyos na si Marquez na hindi na niya kailangan pang labanan ang 34-anyos na si Pacquiao.

Ito ay matapos na ring patumbahin ni Marquez ang Filipino world eight-division champion sa hu-ling segundo ng sixth round sa kanilang pang-apat na pagkikita noong Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Sinasabing ayaw ni Marquez na makabawi si Pacquiao na tumalo sa kanya via split decision sa kanilang rematch noong Marso ng 2008 at mula sa isang unanimous decision win sa ikatlo nilang pagtatagpo noong Nobyembre ng 2011.

“I think for me there is no point. We already achieved the desired result. Then why do it? So I also asked several people, several friends that I have around me and they told me not to do it, that there is no point in a fifth fight,” sabi ni Marquez.

Kamakailan ay sinabi ni Beltran na payag ang Mexican four-division titlist na si Marquez na muling labanan si Pacquiao sa pang-limang pagkakataon sa Setyembre.

Subalit ayon kay Marquez, hindi na niya kaila-ngang harapin ang Sarangani Congressman sa pang limang pagkakataon ngayong 2013.

“I said before the fourth fight that no matter how this fight ends, there can not be a fifth,” wika ni Marquez, inilusot ang isang draw sa kanilang unang banggaan ni Pacquiao sa kabila ng tatlong sunod na pagbagsak sa first round noong Mayo ng 2004.

Tanging ang pang-limang laban kay Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) ang magbibigay kay Marquez (55-6-1, 40 KOs) ng malaking premyo sakaling magdesisyon siyang lumaban ngayong taon.

 

Show comments