Lumitaw uli ang bangis ng Maker’s Mark

MANILA, Philippines - Lumitaw uli ang bangis ng kabayong Maker’s Mark nang dominahin ang nilahukang karera na nangyari noong  Miyerkules ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite

Sinikap ng Pasensyosa na bigyan ng maagang hamon ang nagwawalang Maker’s Mark pero hindi ito umubra nang lumayo ng husto ang kabayong sakay ni Pat Dilema.

Halos limang dipa ang iniagwat ng  nagdominang ng limang taong colt para mapangatawanan ang pagiging liyamado sa anim na naglaban.

Sa ikalawang puwesto nagkaroon ng matinding bakbakan sa pagitan ng Pasensyosa ni JA Guce at Joshua’s Laughter ni Mark Alvarez at ang huli ay may malakas pang dating tungo sa ikalawang puwesto.

Dahil patok ang Maker’s Mark na anak ng Deputy Bodman at Wind In My Hair, naghatid ito ng  P5.00 sa win habang ang forecast na 4-2 ay naghatid ng P12.00.

Nakabawi si Alvarez sa pamamagitan ng Top Story sa race six nang pangunahan ang 3YO Maiden 1-2.

Walang nakasabay sa malakas na takbo ng Top Story sa 1,400m distansyang karera para sa  banderang-tapos na panalo at mapangatawanan ang pagiging patok sa siyam na naglaban, kasama ang isang coupled entry.

Nakapanorpresa ang Don’tfoolyourwife ni Kevin Abobo para magkaroon ng magandang dibidendo sa 2-5 forecast na P34.00 matapos ang P5.00 sa win.

 

Show comments