MANILA, Philippines - Inilabas ni James Martinez ang larong inaasahan sa kanya at ang Cebuana Lhuillier ay umabante sa quarterfinals ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa pamamagitan ng 77-73 panalo laban sa Jose Rizal University na nilaro sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Hindi napigil ng depensa ng Heavy Bombers si Martinez na naghatid ng siyam sa kanyang kabuuang 16 puntos sa hu-ling yugto upang ibigay sa Gems ang 5-5 karta sa pagtatapos ng eliminasyon.
Magkakatabla ang Gems, Heavy Bombers at pahingang Fruitas sa ikalima hanggang ikapitong puwesto pero ang unang dalawang koponan ang magpapatuloy sa laban dahil sa kanilang mas mataas na quotient laban sa Shakers.
“Hindi sumuko ang mga bata. At si James, siya ang sumagip sa amin lalo na sa fourth period,†wika ni Gems coach Beaujing Acot.
Lumamang ng hanggang 10 puntos ang Bombers, 55-45, pero nagpakawala ng 11-1 bomba ang Gems upang magtabla ang dalawang koponan sa 56-all.
Binasag ni Dexter Maiquez ang deadlock pero apat na puntos ang pinagsaluhan nina Gabriel Banal at Rex Leynes para tuluyang ibigay ang kalamangan sa Cebuana Lhuiliers.
Natapos ang apat na sunod na panalo ng tropa ni coach Vergel Meneses at ang masakit nito ay naisuko ang pinangarap na twice-to-beat advantage sa Big Chill na siya nilang katapat sa quarterfinals.
Tinapos ng Blackwater Sports ang kampanya sa eliminasyon sa pamamagitan ng 82-76 panalo sa Erase Xfoliant sa isang no-bearing second game.
May 8-2 karta ang Elite na nakasama ng NLEX sa semifinals na habang ang Erasers ay nagtala ng 2-8 baraha.