Tuloy na ang mga plano ni Donaire

MANILA, Philippines - Itutuloy na ni Nonito Donaire Jr. ang kanyang naunang plano na kapapalooban ng bakasyon kasama ang kanyang asawa nitong weekend at laban sa Las Vegas sa April 13.

Naging abala ang WBO super-bantamweight champion nitong mga nakaraang araw ukol sa sinasabing laban kontra kay WBC counterpart Abner Mares.

Ngunit hindi mangyayari ang laban sa April hindi dahil ayaw nilang maglaban kungdi dahil hindi magkasundo ang  kanilang mga promoters na Top Rank at Golden Boy. Bagkus, sinabi ni Top Rank chief Bob Arum na alinman kina Vic Darchinyan o WBA champion Guillermo Rigondeaux ang makakalaban ni Donaire sa April 13.

Nagpadala kamakailan ang Golden Boy sa kampo ni Donaire ng $3 million offer para labanan niya si Mares na nasa kampo ng Golden Boy..

Nakakuha si Rick Reeno ng www.boxingscene.com ng kopya ng mahabang liham  ng Golden Boy kung saan nakalahad ang mga detalye ng laban na may presyong $3 million.

Nakasaad dito na gaganapin ang laban sa United States bago mag-June 30, ang sukat ng ring at gloves, bilang ng first-class plane tickets, fight tickets at hotel rooms na gagamitin ng Team Donaire pati mga fight poster billing maging ang ring-walk music.

Ang pamagat sana ng laban ay ‘Donaire vs Mares’ na hatid ng Golden Boy sa pakikipagtulungan ng Top Rank at iba pang sponsors.

Ngunit may nakitang butas si  Donaire  sa sulat  sa nakalagay na “if promoter cancels the bout, as provided above, then this Agreement shall terminate and, except for the foregoing provisions of this paragraph, the parties shall have no further obligations to each other.”

Hindi puwedeng lumaban si Donaire ng June dahil manganganak ang kanyang asawa.

 

Show comments