MINNEAPOLIS – Balik na si Rick Adelman sa court matapos mawala ng tatlong linggo para asikasuhin ang kanyang asawang nagkaroon ng karamdaman na hindi tinukoy ng coach.
Natalo ang Minnesota Timberwolves ng siyam sa 11 games habang wala si Adelman sanhi para mapag-iwanan ang Wolves sa karera para sa playoff sa Western Conference.
Tinulungan ni Adelman ang prangkisang ito nang pumasok siya sa koponan noong nakaraang season kaya malaki siyang kawalan sa Timberwolves nang mawala ito ng ilang linggo.
Nagpa-practice si Adelman nitong Lunes at plano niyang mag-coach sa laban kontra sa Clippers nitong Miyerkules kung walang magiging problema sa kanyang asawang si Mary Kay Adelman na ginagamot pa.
Sinabi ni Adelman na matagal siyang nakabalik dahil inayos muna niyang lahat. Maganda na ang kondisyon ng kanyang asawa at umaasa siyang wala nang magiging problema.
“It’s hard,’’ sabi ni Adelman na tinutukoy ang matagal niyang pagkawala. ‘’I’ve never done this. It never happened. But there’s some things that are more important than basketball or anything else. I think the team understands that. Hopefully things will settle down here now.’’
Tumanggi si Adelman na pag-usapan ang karamdaman ng kanyang asawa na naospital kaya nawala siya simula noong Jan. 7.
Ang kanyang assistant coach na si Terry Porter ang nagmando ng team habang wala si Adelman.