J. Guce iniwan na ang mga kalaban sa palakihan ng kita
MANILA, Philippines - Iniwan ng milya-milya ni Jessie Guce ang karibal na hinete kung labanan sa kita sa 2012 ang pag-uusapan.
Winningest jockey uli si Guce sa nagdaang taon nang kumabig ng P6,142,882.76 premyo sa 1182 sakay.
Nagtala ang class A jockey ng 255 panalo, may 202 segundo, 173 tersero at 142 kuwarto puwestong pagtatapos. Nasa 122 takbo ang hinarap ni Guce sa buwan ng Disyembre at may 22 panalo para makalikom ng mahigit na kalahating-milyong premyo.
Halos doble ang inilayo ni Guce sa pumangalawang si Jonathan Hernandez na may 617 takbo at kumabig ng P4,699,310.86 premyo.
Umabot sa 55 takbo ang hinarap ni Hernandez at tampok na panalo sa huling buwan ng 2012 ang tagumpay ng premyadong kabayo na Hagdang Bato sa Presidential Gold Cup at Philracom Grand Derby Stakes Race.
Sa isang taong takbo, si Hernandez ay nanalo ng 147 bukod pa sa 102 segundo, 92 tersero at 94 kuwarto puwesto.
Si Pat Dilema ang nalagay sa ikatlong puwesto at kinapos ng halos kalahating-milyon kay Hernandez sa P4,113,089.55 premyo sa 168 panalo, 144 segundo, 113 tersero at 94 kuwarto puwesto sa 845 takbo.
Limang hinete naman ang nagkamal ng mahigit na dalawang milyong premyo para malagay sa ikaapat hanggang ikawalong puwesto.
Si Rodeo Fernandez ang pumang-apat sa P2,963,214.35 premyo sa 735 takbo (121-109-109-86); si Mark Alvarez ang nasa ikalima sa P2,889,609.81.
- Latest